FILIPINO BOOK: BISNESBOY MINGGOY | STORY TIME WITH TAGALOG SUBTITLES
BISNESBOY MINGGOY
Kuwento ni Augie Rivera
Guhit ni Liza Flores
Inilathala ng Adarna House
(MUSIC)
Namimilog ang mga mata ni Minggoy habang nakasilip sa salaming dingding ng sports store.
Gustong-gusto na niya magkaroon ng bisikleta.
Halos lahat kasi ng mga kaibigan niya ay may bisikleta na, maliban sa kaniya.
"Anak, kasisimula pa lang ng Tatay mo sa bago niyang trabaho.
Ako naman, matumal pa ang order sa mga cake at cupcake ko.
Kailangan muna nating magtipid-tipid," sabi ng nanay niya.
Naisip tuloy ng sampung taong gulang na si Minggoy, "Kung hindi pa ako kayang ibili nina Mama at Papa ng bisikleta, ako na lang ang bibili!"
Pero, saan naman siya kukuha ng P3,000?
Kailangan niyang mag-ipon ng pera.
Nagsimulang tipirin ni Minggoy ang allowance niyang P20.
Tuwing recess, sa halip na cheeseburger, simpleng hamburger na lang ang binibili niya para mas mura.
Imbes na bumili ng sofdrink, nagbabaon na lang sya ng tubig na maiinom.
Tuwing uwian, imbes na mag-tricycle ay naglalakad na lang siya pauwi sa bahay nila.
Sa bahay, nagmasid sa paligid si Minggoy.
Naghanap siya ng mga bagay na puwede niyang ipagbili para makadagdag sa ipon niya.
Marami na palang mga bote at lumang diyaryong nakatambak lang sa likod ng bahay nila.
Kinolekta nya ang mga ito at ibinenta sa manong na magbobote.
Kinolekta rin niya ang mga sirang electric fan, butas na kaldero, pira-pirasong yero, gasgas na DVD, kalawanging tubo at iba pa.
Nagbahay-bahay rin siya upang hingin ang iba pang scrap na bakal ng mga kapitbahay na pakalat-kalat at hindi na ginagamit.
Ibinenta niya ang lahat ng ito sa junk shop para makadagdag sa ipon niya.
Isang araw, may dumating na bagyo. Walang tigil ang pag-ulan.
Kasabay pa ito ng high tide ng linggong iyon kaya't bumaha nang halos hanggang baywang sa kalsada.
Nang tumila ang ulan, hindi pa rin makapaglaro sa labas ang mga bata dahil sa baha!
Hindi pa rin bumabalik ang koryente kaya't hindi rin sila makapanood ng TV.
Napansin ni Minggoy ang bagong lipat na mga VilIamil.
Nakadungaw lang ang tatlong magkakapatid sa bintana at walang mapaglibangan.
"Ano kaya kung ipaarkila ko sa kanila ang mga komiks, libro at laruan ko sa murang halaga lang?" naisip ni Minggoy.
Mula piso hanggang limang piso ang napagkasunduan nilang arkila.
Pero, paano naman nila ito makukuha gayong hanggang baywang nga ang baha sa kalsada?
Kumuha ng lubid si Minggoy. Nagtali ng pabigat sa isang dulo at inihagis sa bintana ng mga Villamil.
Pagkasabit sa bintana, inihagis naman nila ang kabilang dulo ng lubid kay Minggoy.
Nagsabit si Minggoy ng maliit na basket sa lubid, at sa pamamagitan ng isang maliit na pulley na tulad ng ginagamit sa flag ceremony,
naihatid niya ang basket na naglalaman ng hihiraming komiks, libro, at laruan sa mga Villamil.
Sa basket na rin inilagay ang bayad nila.
Maya-maya pa, nanghiram na rin ang iba pang mga bata.
Nagsabit din si Minggoy ng lubid sa mga bintana nila, na animo mga banderitas sa pista!
Nang sumapit ang tag-araw, binilang ni Minggoy ang mga naipon niya.
"P1500."
Kulang pa rin itong pambili niya ng bisikleta!
Kaya't naisip ni Minggoy na magbenta ng ice candy.
"Papahiramin kita ng kaunting pondo," sabi ng nanay niya na tuwang-tuwa sa naisip na negosyo ng anak niya.
Bumili si Minggoy ng mga pahabang plastic bag, buko, munggo, asukal, gatas, at embudo.
Tinimpla niya ang mga ito, isinalin sa plastic bag at inilagay sa freezer para maging ice buko.
Gumawa pa ng espesyal na paskil si Minggoy sa labas ng bahay nila: Minggoy's Ice Buko.
Agad na kumalat ang balita tungkol sa panindang ice candy ni Minggoy.
Lahat ay gustong tumikim. Bentang-benta agad ito sa kaniyang mga kalaro.
Kaya't bukod sa ice buko, nag-isip pa si Minggoy ng iba't-ibang flavors ng kanyang ice candy.
Hinaluan niya ito ng sago, gulaman, ube, melon, mangga, pinipig, tsokolate at marami pang iba.
Pagkalipas ng ilang buwan, binilang uli ni Minggoy ang lahat ng naipon niya kasama na ang kinita sa pagtitinda ng ice candy.
"P5,850."
Sobra-sobra na pala ito. Binayaran niya iyong ipinautang sa kaniya noon ng Mama niya.
Pero ang mas mahalaga, bumalik siya sa sports store.
Sa wakas, nabili na niya ang matagal na niyang pangarap na bisikleta!
MAG-IMPOK TAYO!
Nabili na rin sa wakas ni Minggoy ang pangarap nyang bisikleta!
Masaya rin ang nanay at tatay nya dahil sarili niyang pera ang ginamit sa pagbili nito.
Dahil sa pag-iipon at pagnenegosyo, natutuhan rin ni Minggoy na hindi kailangan umasa sa kaniyang mga
magulang tuwing mayroon siyang gustong bilhing gamit.
Lalu na kung kinakailangan rin nilang magtipid.
Tulad ni Minggoy, siguradong makabibili rin kayo ng bisikleta o ng anumang bagay
na gusto ninyong bilhin kung susundin ninyo ang mga sumusunod na hakbang:
Una, kailangang maging malinaw kung anu-ano ang mga bagay na nais ninyong bilhin.
Makatutulong ang paglilista ng mga ito upang maiwasan ang paggastos para sa mga bagay na wala sa inyong listahan.
Ikalawa, kailangang matukoy kung saan manggagaling ang salaping gagamitin sa pagbili ng gusto ninyong gamit.
Mahalaga ring ilista hindi lamang ang kinikita ninyong salapi o ang pinanggagalingan nito,
kundi pati na rin ang inyong mga gastusin.
Ang tawag dito ay pagbabadyet.