FILIPINO BOOK: CHENELYN CHENELYN WITH TAGALOG SUBTITLES
Chenelyn! Chenelyn!
Kuwento ni Rhandee Garlitos
Guhit ni Liza Flores
Inilathala ng Adarna House
(MUSIC)
Tuwing umaga sa aming bahay, ang pangalan niya ang una mong maririnig.
Kapag binibigkas mo ito, mayroong madyik na nangyayari.
Chenelyn!
Ihanda na ang almusal!
Biglang magtitilian ang mga kaldero at siyansi sa ilalim ng kalan.
Huhuni ang kaldero ng mainit na tubig.
Maririnig ang kalatugan ng pinggan at kalansingan ng mga kutsara at tinidor.
Tapos, sa isang iglap, busog na si Tatay.
Chenelyn! Ang paligo ko, handa na ba!
Biglang magsisindi ang ilaw sa loob ng banyo.
Dadagundong ang tulo ng tubig sa balde.
Maglilitawan ang mga sepilyo, sabon, shampoo, at tuwalya.
Tapos, sa isang iglap, mabango at malinis na si Kuya.
Chenelyn! Ang damit ko sa eskwelahan!
Biglang iinit ang plantsang nakatago.
Tatakbo ang kabayo na tangay ang lukot na palda at blusa.
Tapos, sa isang iglap, unat ang lahat ng damit ni Ate.
Chenelyn! Ang bahay, dapat malinis na!
Biglang magsisibangon ang basahan at sabon.
Magsasayawan ang mga bunot at walis.
Tapos, biglang makintab at mabango ang buong bahay.
Chenelyn! Laro na tayo!
Biglang tatalbog ang bola at magsasalita ang manyika.
Magiging nanay ko siya sa bahay-bahayan.
Magiging taya siya sa taguan.
Tapos, paglingon ko, nakaupo siya.
Natutulog.
Bago ako matulog, ang pangalan pa rin niya ang maririnig.
Kasi, may madyik ang pangalan niya.
"Chenelyn! Ang kape ko, akina!" sabi ni Tatay.
Biglang maghahalo ang kape, asukal, at umuusok na tubig.
"Chenelyn! Ang sapatos ko, relo ko, nasaan na?!" tanong ni Kuya.
Magsisilabas ang mga sapatos at relo mula sa kung saan.
"Chenelyn! Ang isusuot ko, ihanda mo na!" tili ni Ate.
Magrarampahan naman ang mga pantalon, palda, blusa, at medyas.
"Chenelyn! Ang pinagkainan, hugasan mo na!" utos ni Nanay.
Magsisiligo na ang mga plato, platito, kutsara, at tinidor.
Basta tatawagin mo ang pangalan niya, mayroon nang iniinom si Tatay sa kuwarto.
Nakita na ang nawawalang gamit ni Kuya.
Handa na ang damit ni Ate para bukas.
Malinis na ang mga gamit sa kusina ni Nanay.
Kapag ako na ang tatawag ng "Chenelyn!" papasok siya sa maliit kong kuwarto.
Pagod na pagod. Pawis na pawis.
Hingal na hingal. Latang-lata.
Pero, kapag mayroon siyang ikukuwento sa akin, ang kuwarto ko, nag-iiba ng anyo.
Nagiging dagat ito kapag kami ay mga sirena.
Nagiging kastilyo ito kapag kami ay mga prinsesa.
Kaming dalawa ni Chenelyn ang laging bida sa marami niyang kuwento.
Tapos, tulog na kaming dalawa.
Isang umaga, nagkagulo sa loob ng bahay!
Ilang beses nang tinatawag ang pangalan niya, pero walang nangyayaring madyik.
"Chenelyn! Chenelyn!" sabi ni Tatay.
"Chenelyn?! Chenelyn?!" tanong ng Kuya.
"Chenelyn! Chenelyn!" sigaw ng Ate.
"Chenelyn! Chenelyn!" utos ng Nanay.
"Chenelyn! Chenelyn!" tawag ko.
Pero walang nangyari.
Bigla kaming nagsisugod sa kuwarto niya.
Pagbukas namin, maraming madyik ang nangyayari.
Mayroong hatsing! Mayroon prsssrstt!
Mayroon brrr!
Mayroon ubo-ubo!
Naku, si Chenelyn, hindi makapagmamadyik!
"May trangkaso si Chenelyn..."sabi ni Tatay.
Dali-dali siyang pumunta sa telepono.
Kumiriring ito nang kumuriring.
Bumulong-bulong si Tatay sa hawakan.
Tapos, sa isang iglap, biglang dumating ang Doktor.
Pumunta naman si Nanay sa kusina.
Naghiwa-hiwa siya ng karne ng manok at gulay.
Hinugas-hugasan niya ang mangga at dalanghita.
nagtimpla-timpla siya ng tsa at tubig.
Sa isang iglap, may pagkain kaagad para kay Chenelyn.
"Dapat tayo muna ang maglinis ng bahay!" sabi naman nina Kuya at Ate.
Nagbunot nang nagbunot si Kuya.
Nagwalis nang nagwalis si Ate.
Naglaba nang naglaba si Kuya.
Nag-ayos nang nag-ayos si Ate.
Tapos, sa isang iglap, biglang natutong maglinis ng bahay sina Ate at Kuya.
Para makapagpahinga si Chenelyn, nagkuwento naman ako nang nagkuwento.
Biglang nagbago ang kuwarto ni Chenelyn.
Naging bughaw na langit ito nang maging piloto kami.
Naging entablado ito nang naging mananayaw kami.
Tapos, sa isang iglap, nakatulog si Chenelyn.
Mula noon, iba na ang maririnig sa loob ng aming bahay tuwing umaga.