14.5 Pagbabasa - Ang Maynila
Ang pinakalumang Maynila, ay ang Maynila ng mga Tagalog, at ang pangalan ng lugar ay galing sa mga salitang “may nila.” Ang ibig sabihin, mayroon silang “nila,” isang uri ng halaman.
Ito ang Maynila ng mga Tagalog at ng mga pinuno nilang sina Rajah Sulayman at Rajah Matanda. Ito rin ang Maynila na sinakop ng Borneo at ng mga Muslim. Ito ang Maynila na nakilala para sa kanyang dagat, ang Manila Bay, at sa kanyang ilog, ang Pasig.
Noong 1570, sinakop ito ng mga Kastila, sa pamumuno ni Miguel Lopez de Lagazpi. Itinayo nila ang isang “walled city” o lungsod na napapalibutan ng pader, ang Intramuros. Galing ang pangalan nito sa wikang Latin: intra at muros, at ibinigay ang pangalan na ito sa Maynila ng mga Kastila. Isang simbolo ang mga pader dahil ang mga Kastila lang ang puwedeng tumira sa loob ng Intramuros.
Ngayon, “tourist destination” na ito. Puwede kang pumunta sa Fort Santiago. Pagkatapos, maglakad ka papunta sa General Luna street. Lampasan mo ang Plaza Moriones at ang Palacio del Gobernador. Makikita mo ang Manila Cathedral. Maglakad ka pa sa General Luna street. Pagkatapos ng dalawang kanto, kumanan ka. Maglakad ka sa Calle Real. Darating ka sa Puerta de Santa Lucia. Isa ito sa mga pasukan papunta sa Intramuros. Puwede ka ring pumunta sa iba pang gusali. Nasa General Luna Street din ang San Agustin Church at ang Casa Manila.
Sa labas ng Intramuros, sa Tondo, isinilang ang rebolusyon at ang Katipunan, ang grupo na lumaban sa mga Kastila. Binuo ito sa kanto ng mga kalye na El Cano at Ascarraga (ngayon ay Recto) noong 1892.
Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, itinayo naman ang mga gusali ng gobyerno. Mga pangalan ng mga Amerikanong mananakop ang ginamit na pangalan ng kalye. May mga bus, kotse, at karitela sa daan. Ang mga mayayaman at mga Amerikano ay nakatira sa Malate, dahil nakikita mula dito ang dagat.
Dahil sinakop ng mga Hapon ang Pilipinas mula 1942 hanggang 1945, binomba ng mga Amerikano ang Maynila noong Pebrero hanggang Marso 1945 sa tinatawag na “Battle of Manila.”
Para sa ibang Filipino na nabuhay noong 1950s, ang Maynila ay ang Roxas Boulevard kung saan nakikita ang paglubog ng araw sa dagat, ang Rizal Park para sa mga picnic, at ang Escolta at Avenida para sa pamimili.
Para sa mga aktibista noong 1960s at 1970s, ang mga lugar ng demonstrasyon at rali ay ang Plaza Miranda, ang Mendiola Bridge (na tinatawag ding 'Freedom Bridge'), at ang Liwasang Bonifacio (sa harap ng post office building).
Para sa mga Intsik, ang Maynila ay ang Binondo. Para sa mga estudyante, ang Maynila ang “university belt” sa Recto. Para sa mga Katoliko, ang Maynila ay ang Quiapo Church kung saan maraming deboto na makikita.
Iba-iba ang Maynila ng mga taga-Maynila. Lumaki na ang lungsod at naging 'Greater Manila Area'. Wala nang nakaaalala ng hitsura ng “nila.”
Ang Maynila ay hindi lang Maynila nina Sulayman, Bonifacio, at Rizal. Maynila ito ng lahat ng mga Filipino —Tagalog, Intsik, Kapampangan, at iba pang lahing Filipino na nabuhay sa lungsod na ito.