SAPATOS NI MOMMY | CHILDREN'S BOOK IN TAGALOG WITH ENGLISH/TAGALOG SUBTITLES
Ang Sapatos ni Mommy
Kuwento ni Segundo Matias, Jr.
Guhit ni Kora Dandan-Albano
(MUSIC)
Wow! Ang ganda ng T-shirt ng kalaro kong si Totet!
Si Spider-man ang nakadikit doon.
Nagpabili nga ako kay Mommy.
Siyempre, dahil mahal ako ni Mommy, ibinili niya ako n' on.
At mas magara pa dahil kumikinang iyon, hindi kagaya ng kay Totet.
Teka, Linggo na naman. It's mall time!
At siyempre sa Timezone muna kami.
Zoom ... ! Beng! Beng!
Kung 'di iyong kotse na animo ako ang nakasakay ay 'yung baril na malaki ang gusto ko!
Si Ate naman, wala nang ginawa kundi magsayaw nang magsayaw sa dance machine.
At laging mataas ang score niya.
At siyempre, ako rin!
Nauubos namin ang perang ibinibigay ni Mommy, kasi sinusulit namin ang paglalaro namin.
Siyempre, kakain kami pagkatapos sa Jollibee! Yehey!
Chicken joy ang paborito namin ni Ate.
Kain kami nang kain hanggang sa mabusog kami.
Pero bakit itong si Mommy, hindi umo-order ng sarili niyang pagkain?
"Sige lang, kumain lang kayo. Busog pa ako," lagi niyang katuwiran sa amin.
Pero teka, bakit 'pag tapos na kaming kumain ay kinakain naman niya ang natira namin ni Ate Chie?
Itong si Ate, kung ikukumpara sa akin ay mas mausisa.
"Bakit iyong tira namin ang kinakain mo, Mommy?
'Yung ayaw naming parte ng chicken ang kinakain mo?
'Yung wings na puro buto pa?" tanong niya minsan.
"Ito kasi ang masarap," sagot ni Mommy.
Biglang tumawa itong si Ate Chie, bumulong pa sa akin.
"Masarap daw iyon, eh, puro buto naman. Walang lasa ... "
Hindi ko naman naiwasan ang pagtawanan din si Mommy.
Ewan ko ba, tuwing magtutungo kami sa mall, lagi na lang dumadaan si Mommy sa isang tindahan.
Kung anu-ano ang itinatanong. Hindi ko na maintindihan ang iba.
Minsan, magsusukat, pero hindi naman pala bibili.
Hay ... at naiinis na yata ang saleslady sa kanya.
Kaya hayun, kung 'di sa ukay-ukay ay sa Divisoria siya bumibili.
Walang aircon sa ukay-ukay;
masikip ang mga daan at maraming tao sa Divisoria,
kaya hindi na niya kami isinasama roon.
Magulo raw at maingay.
Pero bakit nagtitiyagang magtungo ang mommy ko roon?
Bakit hindi na lang siya sa mall mamili?
Dahil napakapihikan ni Mommy, naisip ko.
Wala siyang nabibiling damit o sapatos.
Kasi isang pares lang ang sapatos niya at tatlo lang yata ang blusa niya!
Linggo na naman! Siyempre, sa mall ang pasyal namin.
Nagpabili ang ate ko ng mga bagong damit ng Barbie doll niya.
Ako naman, iyong helicopter na kagaya ng sa kaklase ko-de-remote!
Lipad dito! Lipad doon!
Ang gara! Zoom! Beng! Beng!
Timezone uli! Chickenjoy uli!
Itong si Mommy talaga, hindi na naman umorder at 'yung mga tira lang namin ang kinain niya.
Dumaan na naman kami sa tindahan ng sapatos.
Hindi na naman siya bumili.
Hihintayin daw niyang mag-sale.
Wow! Tatlong araw na lang at birthday ko na!
"Mommy, ang gusto ko sanang iregalo mo sa akin para sa birthday ko, 'yong PSP.
Maraming-maraming games iyon," pakiusap ko kay Mommy.
"Luigi, anak, sobrang mahal yata n'on," tugon niya.
Siyempre, nalungkot ako.
Pero mahal na mahal talaga ako ni Mommy, dahil ibinigay niya ang hiling ko!
Yeheyy!!!
Nakangiting ibinigay sa akin ni Mommy ang PSP at niyakap pa niya ako.
Ang gara ng PSP ko. Bagung-bago.
Ipinagyabang ko ito sa mga kalaro ko at mga kaklase ko.
Isang araw, matutulog na sana kami ni Ate nang marinig naming kausap ni Mommy si Tita Letty.
"Bakit kasi hindi ka bumibili ng bagong blouse at sapatos?
Lagi na lang iyan ang suot mo.
Baka akala ng mga tao, hindi ka nagpapalit," sabi ni Tita Letty.
"Naku, Letty, hindi ka pa kasi nagkakaanak," tugon ni Mommy.
"Kapag mommy ka na, 'yong mga gusto at mga ipinabibili ng mga anak mo ang uunahin mo,
hindi iyong para sa sarili mo."
"Ha?" bulalas ni Tita Letty.
Pareho kaming napanganga at nagulat ni Ate Chie.
"Minsan, kahit gustung-gusto ko nang kumain, sila na muna ang pinapauna ko.
Mas masaya ako kapag nakikita kong masaya sila.
'Di bale na ako. Sila ang kaligayahan ko ... "
Hindi ako nakaimik.
Hindi rin nakapagsalita si Ate Chie.
Linggo na naman. Timezone at Jollibee uli.
Muli, dumaan kami sa nagtitinda ng sapatos.
Natuwa si Mommy nang makita niya ang karatulang "SALE" sa bintanang salamin ng tindahan.
Kaya kaagad siyang pumasok doon at iniwan kami sa labas.
"Naku, Misis, wala na pong stock iyong lagi ninyong
isinusukat, eh," salubong ng saleslady kay Mommy.
Mula sa pinto, nakita kong nalungkot ang mommy ...
Paglabas niya, sumalubong kami ni Ate Chie sa kanya.
"Mommy, Mommy ... " tawag ko sa kanya.
Hindi niya yata ako narinig.
Humarap ako sa kanya.
Marahan kong iniabot ang isang kahon sa kanya.
"Mommy, happy birthday ... "
Nabigla ang mommy ko.
Ang hindi niya alam, hindi naman kami naglaro sa Timezone.
Binili namin ni Ate Chie ang sapatos na gustung-gusto niya.
"Birthday?"
"Mommy," sagot ni Ate Chie, "di ba, birthday mo ngayon?"
Napayakap sa amin si Mommy. Mahigpit.
Ewan ko, pero narinig ko siyang suminghot. Umiiyak siya.
"Mommy, bakit?" tanong ko.
"Nakalimutan ko. Birthday ko nga pala ... "
Ano? Nakalimutan ni Mommy ang birthday niya?
"Salamat ... Salamat, mga anak ... "
Noon ko naisip, kami nga ang number one sa kanya---kaming mga anak niya.
Dahil kami ang laging laman ng kanyang isipan.
Minu-minuto, oras-oras, araw-araw ...
...sa lahat ng panahon.