BUTIRIK | CHILDREN'S BOOK IN TAGALOG WITH ENGLISH/TAGALOG SUBTITLES
Ang paglalakbay ni Butirik
Kuwento ni A. C. Balmes
Dibuho ni Kora Albano
(MUSIC)
Laging nakasimangot si Butirik.
Hindi kasi maalis sa kanyang isip na siya
ang pinakakawawang dyip sa garahe ni Mang Pedring.
Pangit.
Walang pumapansin.
Inggit na inggit siya kina Asultan at Pulajero, mga bagong dyip na kasama niya.
Puno sila ng dekorasyon.
Pareho silang mabilis tumakbo kaya tuwang-tuwa ang mga drayber na nagmamaneho sa kanila.
Si Butirik ang pinakaunang dyip ni Mang Pedring.
Dahil luma na ay marami na siyang kalawang at yupi.
Mahina na ang kanyang makina kaya sa trapik at baha ay agad siyang tumitirik.
Alam ni Butirik na dahil sa madalas niyang pagtirik ay kinaiinisan siya ng mga tao.
"Walang kuwentang dyip!" lagi nilang sabi.
Dahil dito, pinagsusungitan silang lalo ni Butirik.
"Hindi ko kayo kailangan," sagot naman niya.
Iisa na lang ang lagi niyang iniisip.
Ang kanyang pangarap na makaalis sa lugar na ito.
"Pupunta ako sa lugar na walang trapik, lubak, alikabok at mayayabang na tao.
Doon ay magiging masaya ako," pagmamalaki niya.
Pero dahil sa kanyang kasungitan, wala nang nakikinig kay Butirik.
Isang araw ay masayang dumating si Mang Pedring.
"Araw mo ngayon, dyip ko,
kaya ayusin mo ang pagtakbo. May sorpresa ako sa iyo."
Tinatamad man ay sinunod ni Butirik ang kanyang amo.
Pero hindi pa sila nakakalayo ay naipit na sila sa trapik.
Uminit agad ang ulo ni Butirik.
Sa tindi ng kanyang inis, bigla siyang tumirik, sabay buga ng maitim na usok.
Sabay-sabay na bumusina ang mga sasakyan sa likod nila.
"Pareng Pedring," sigaw ng isang drayber, "sindihan mo na lang ang dyip mo."
"Ipagbili mo na lang kaya sa magbabakal," payo naman ng iba.
Nagtawanan ang mga dyip sa paligid ni Butirik.
Galit na galit naman itong isa.
"May pagdadalhan na ako sa kanya," mahinahong sagot ni Mang Pedring,
habang nagpapatulong sa ibang drayber na maitabi ang kanyang dyip.
"Doon kami pupunta ngayon."
"Ipagbibili na si Butirik," mabilis na kumalat ang tsismis sa mga dyip.
Sa wakas ay naitabi ang tumirik na dyip at nakalampas ang mga sasakyang natrapik.
Umalis din si Mang Pedring para sumundo ng mekaniko.
Naiwang umuusok sa tabi ng kalye ang natulalang si Butirik.
"Ipagbibili raw ako!" paulit-ulit niyang nasabi.
"Pinagsawaan na talaga ako. Hindi na ako kailangan."
At umiyak nang umiyak si Butirik.
"Aba, kaibigang dyip-yip-yip.
Tigilan mo iyan at nagigising ang aking mga inakay,"
saway ng ibong pipit na lumundag sa nguso ni Butirik, mula sa posteng kanyang pinagpupugaran.
"Pasensiya ka na, Aling Pipit at napakalungkot ng aking buhay,"
singhot ni Butirik na sa pag-iyak ay nakalimutang maging masungit.
"Maraming kuwentong ganyan, hindi lang ikaw," sabi ng pipit na kanina pa pala nakikinig.
"Lalayas ako!" biglang pasiya ni Butirik.
"Ngayon din!"
"At saan ka naman pupunta?"
"Doon sa walang trapik. Walang lubak. Doon ay hindi ako titirik!"
"Sa langit lang walang trapik. Sa dagat lang walang lubak," paalala ng pipit.
"Doon! Doon ako pupunta!" biglang sigaw nitong isa.
"Para sa lupa ang dyip," saway ng nagulat na ibon.
"Anong gagawin mo doon?"
"Saka ko na iisipin!"
"Bahala ka," sagot ng pipit, sabay lipad.
"Isipin mo lang mabuti. Dahil ang pusta ko ay dito ka rin babalik."
"Hindi, Aling Pipit. Hinding-hinding-hindi ako babalik."
At pumikit si Butirik para nga mag-isip.
Pero ang inisip niya'y kung paano magkapakpak at makalipad.
Napakalalim ng kanyang pag-iisip.
Pinagpawisan siya sa pagpikit.
Maya-maya nga ay naramdaman niyang tinutubuan na siya ng mga pakpak.
Maya-maya ay umaangat na siya sa lupa.
Tumataas na siya! Lumilipad na si Butirik!
"Ha-ha-ha-ha-ha!
Heto na ako, Langit!" sigaw niyang tuwang-tuwa.
At lumipad nang lumipad si Butirik.
Sa taas ng lipad niya'y lumiit nang lumiit ang mga bagay na kanyang naiwan.
Mga sasakyan. Mga bahay. Mga bundok.
Maya-Maya'y naabot na niya ang mga ulap. Doon ay nagpasirku-sirko siya. Umikut ng umikot.
Nag-ingay. Ginawa ang lahat niyang maisip.
Pero nagalit ang mga ulap.
"Pinaiitim mo kami sa iyong usok," reklamo nila.
"Pinaiitim mo kami sa iyong usok," reklamo nila.
"Ako si Butirik, ang sikat na dyip.
At dito na ako titira sa langit."
Nagdilim ang mga ulap.
Nagtipon sila't nag-usap.
Isang kawan ng mga ibon ang takang-takang umiwas kay Butirik.
"Eeeeeeeeek! Malaking ibon!" sigawan nila.
"Maliit na jet!" malakas na preno ng isang eroplanong muntik nang sumalpok sa likod ni Butirik.
"Dyip ako!" nakuhang isagot ng tumalsik na si Butirik.
"Kitzzzzzk!
Anong dyip?" lagitik ng kidlat na umikot sa dyip.
BAKIT KA NARITO?!" dagundong ng sumunod na kulog.
"Taga-langit na ako," pagmamalaki ni Butirik.
"Hindi ka tatagal dito," babala ng ulan na biglang bumuhos.
"Umuwi ka na," utos ng araw na biglang sumungaw.
"Ihahatid na kita," alok ng bahagharing biglang sumilip.
"Ayaw ko!" sigaw ni Butirik na nanginginig.
"Kung ayaw ninyo sa akin ay hahanap ako ng ibang lugar!"
At mabilis na lumipad paitaas si Butirik.
Pataas nang pataas hanggang hindi na niya marinig ang mga boses na nagpapauwi sa kanya.
Dumidilim sa paligid nang biglang mapatigil si Butirik.
Napanganga siya sa gulat.
Parang walang-hanggan ang Lugar na kanyang pinu-puntahan.
Pagkarami-raming bolang kumikislap. Nakakalat sa dilim na walang katapusan.
"Ano ba itong aking nasuotan?"
"Kalawakan," sagot ng bituing nakabantay.
"Saan ka pupunta?" tanong ng sumulpot na buwan.
"Baku-bako ang iyong mukha!" nasabi ni Butirik na sa takot ay hindi nakapag-isip.
"Gusto mo ng away?" hamon ng nainsultong buwan.
"Bakit daw? Away daw?" sabat ng maliliit na bituing biglang lumapit at nagkumpulan.
"Puwede ba siya dito?" tanong ng bulalakaw na biglang dumaan.
"Kung kakayanin niya," sabay-sabay na sagot ng mga planetang umiikot sa kanilang daan.
"E, hayan, may kaaway na."
"Anong gulo 'yan?" tanong ng araw na nasa gitna ng mga planetang gumagalaw.
Itinapat niya ang kanyang ilaw sa bagay na pinagkakaguluhan.