FILIPINO BOOK: BAKIT HIRAP MAG-BASA SI FELIX (XILEF) WITH TAGALOG SUBTITLES
XILEF
Kuwento ni Augie Rivera
Guhit ni Beth Parrocha-Doctolero
Inilathala ng Adarna House
(MUSIC)
Space station Pollux-2000...ito si Kapitan X....
isang kumpol ng asteroyd ang palutang-Iutang sa kalawakan....over....
nagbabanta itong bumulusok sa planetang Xtimus... over ....
Gagawin ko ang lahat....over and out... ha!
Sa pamamagitan ng aking laser sword, buburahin ko sa balat ng kalawakan ang mga asteroyd na 'yan!
Um! Um! Um!
(TUNOG NG LASER SWORD!)
Biglang nagtawanan ang buong klase.
Naging pambura ang aking laser sword!
At ang mga asteroyd? Naging mga titik sa blakbord!
"Arriola! Bakit mo binura?
Kumokopya pa ng aralin ang mga kaklase mo!" sigaw ni Ma'am Venus.
Napayuko na lang ako at nagsabing: "E, Ma'am akala ko po, mga asteroyd 'yung...."
"Anong asteroyd? Kung saan-saang planeta na naman ba lumilipad 'yang utak mo?
Hala! Sa sulok! Sa sulooookkkkk!"
bulyaw pa ni Ma'am Venus na ngayon ko lang napansing anim pala ang daliri ng kanang paa.
Minsan, nang tatawag si Ma'am Venus ng magbabasa sa harap ng klase,
hindi ako nagtaas ng kamay. Ibinagsak ko ang lapis ko sa sahig.
Para may dahilan akong yumuko. At magtago.
Sinong mag-aakalang may mata rin pala sa kaliwang tuhod si Ma'am Venus?
Biro mo, ako pa rin ang nakita!
Nang buklatin ko ang libro, parang biglang gumalaw ang mga titik.
May lumipad, nagpalutang-lutang, bumulusok at kumampay kampay sa paligid ng mga pahina ng libro.
At kahit anong gawin ko, hindi ko talaga sila mabasa:
"D-duwating ang idong...ibong...abarna se...Pledxas Saplats..."
Nagtawanan ang buong klase.
Para daw akong taga-ibang planeta kung magbasa.
Ipinatawag ni Ma'am Venus sina Mama at Papa.
Kailangan daw akong ipatsek ap. Baka raw may sakit ako.
Sa buong klase namin, ako na lang daw kasi ang hindi marunong magbasa.
"Aba! Matalino ho ang anak ko!" tanggi ni Mama.
"Masipag hong mag-aral!"
"At mahusay sa computer! Manang -mana sa akin!" pagyayabang ni Papa.
"Baka naman ho...masyado kayong mabilis magturo?"
Pero, ipinatsek ap pa rin ako nina Mama at Papa sa mga "eksperto" ('yun ang tawag sa kanila ni Ma'am Venus).
Marami silang itinanong sa akin.
Marami ring test na pinasagutan.
Pati mga mata ko, tiningnan.
Para akong daga na kanilang pinag-aralan.
Pagkatapos ng mahabang paliwanag ng mga eksperto
(na hindi ko naman masyadong naintindihan), pinakawalan din nila ako.
Wala raw akong sakit, sabi sa akin nina Mama at Papa.
Malinaw din ang aking mga mata.
Pero kailangan ko raw ng tutor para matulungan akong matutong magbasa.
Mula noon, pagkatapos ng klase, dumarating sa bahay ang tutor para turuan akong magbasa.
Miss Maya ang pangalan niya.
Matangkad siya, maikli ang buhok, mahaba ang mga daliri at patulis ang mga tainga .
Sa biglang tingin, mukha siyang taga-ibang planeta!
Isang buong library siguro ang laman ng bag ni Miss Maya.
Hindi kasi siya nauubusan ng mga libro.
Araw-araw, marami kaming binabasang pagsasanay.
Halimbawa:
d·o·g
g·o·d
g-oo-d
b-a-k-o-d
p-a-ng-k-a-t
w-a-l-i-s
Kailangan kong pakinggan at bigkasin ang tunog ng bawat titik.
Pag pinagsama-sama ko ang mga tunog, mababasa ko ang salita!
Paulit-ulit naming ginagawa iyon.
Medyo mahirap pero mukhang hindi napapagod si Miss Maya.
Lagi pa rin siyang nakangiti.
Alam mo, may sikreto pala para tumigil ang paglipad ng mga titik sa libro.
Sabi ni Miss Maya, gamitin ko raw ang hintuturo ko pag nagbabasa.
Sinubukan ko. At totoo nga!
Hindi na makagalaw ang mga titik pag itinuturo ko sila habang nagbabasa.
Mas mabigat siguro ang daliri ko kaysa kanila!
Isang hapon, dinatnan ako ni Miss Maya na nakasuot ng maskara.
Ewan kung bakit hindi siya nagtaka.
Inilapag lang niya ang mga libro at tumabi sa akin.
"Power ranger, may problema ba?"
Ikinuwento ko sa kaniya ang nangyari sa loob ng school bus:
naglaro kami ng "Missing Word."
Paboritong laro 'yon ng mga hatid-sundo ng school bus.
Kunwari, "nawawala" ang salitang "stop."
Mag-uunahan kaming magturo ng "stop" sa mga posters, bilbord at karatula na madadaanan namin.
At paramihan kami ng mahahanap na "stop!".
Siyempre, dahil nahihirapan nga akong magbasa, kulelat ako.
"Bobo ka kasi, e!" sigaw ni Dexter.
"Tanga!"dagdag pa ni Max.
"Ta-ga-ibang-pla-ne-ta!" tuya ni Tangke.
Hindi ko napigilan ang sumunod na nangyari-
biglang humaba ang kamay ko't, lumipad sa mga nguso ng tatlong hambog.
POW! POW! POW! POW! POW! POW!
Buti nga!
Nakakita siguro sila ng mga bituin!
Tinanggal ni Miss Maya ang aking maskara.
Nabuko tuloy niya ang itinatago ko -- ang kaliwa kong mata na nangingitim na.
"Power ranger ka ba o pirata?" akbay niya sa akin.
At pareho kaming natawa.
Hindi raw ako bobo, sabi ni Miss Maya.
Hindi rin ako tanga.
At lalong hindi taga-ibang planeta.
Talaga raw may mga batang tulad ko na kakaiba -
na may kakaiba ring paraan kung paano natututo ng iba't ibang bagay, tulad ng pagbabasa.
Kailangan ko lang raw tuklasin ang pinaka-angkop na paraan para sa akin para matuto akong magbasa.
Ibig kayang sabihin ni Miss Maya, kakaiba rin si Dexter--
dahil hindi siya matutong magbisikleta?
O si Max--na laging talunan sa computer games?
E, si Tangke - na hindi pa rin matutong sumipol?
Gabi-gabi, binabasahan ako ni Mama ng isang libro bago matulog.
Kaya nagulat siya nang sabihin kong: "Ma, maghati naman tayo sa pagbasa ng libro.
Isang pahina sa akin, isang pahina sa iyo."
Maingat kong binasa ang bawat salita sa bawat pahina sa tulong ng aking hintuturo.
Ganun di si Mama.
Sinusundan ko ang hintuturo niya pag siya naman ang nagbabasa.
Tuwang-tuwa kami ni Mama nang matapos naming basahin ang libro.
Nang isara ni Mama ang ilaw sa kuwarto, nagulat ako nang isang kumpol ng bituin ang nagningning sa kisame.
Natanggal ang bubong ng kuwarto ko!
Ay, mga plastik na bituin pala.
Glow-in-the-dark.
Idinikit sigurado ni Papa.
Sa wakas! May sarili na akong galaxy!
Pinagmasdan kong mabuti ang mga bituin.
May malaki. May maliit.
May payat. May mataba.
May....parang may binubuo silang mga titik.
Aba! May nababasa pa akong salita....ang pangalan ko!
FELIX!
ANO ANG DYSLEXIA?
Ang dyslexia ("dis-LEK-sya" ang bigkas) ay isang paghihirap umunawa
na makikita sa paghihirap bumasa, sumulat, bumaybay, at kung minsan, bumilang.
Ang dyslexia ay hindi bunga ng kahinaang biswal, kababawan ng kaalaman,
kakulangan sa motibasyon, maling pagtuturo, kaibhang pangkultura,
kahirapan o iba pang kondisyong nagtatakda sa oportunidad ng tao.
Ito'y isang kondisyong neurolohikal--
may kinalaman ito kung paano kilalanin
at bigyang-kahulugan ng utak ng mga dyslexic ang nakikita at naririnig nila.
Kakaibang matuto at mag-isip ang mga dyslexic.
Isang kondisyong nakukuha pagsilang at panghabambuhay ang dyslexia.
Ito ay maaaring genetic o namamana.
Hindi ito sakit kaya't wala itong lunas.
Maaring maigpawan ang dyslexia sa pamamagitan ng sapat na tulong mula sa mga magulang, guro, at tutor.
Sa mga dyslexic, importante ang pagpapahalaga, espesyal na pagtuturo,
at walang atubiling pagsuporta at paghikayat sa loob ng tahanan upang sila'y matuto sa paaralan.