FILIPINO BOOK ABOUT NATURE: WHUUSH WITH ENGLISH AND FILIPINO SUBTITLES
Whuush!
Kwento ni Glenda Oris
Guhit ni Aldy Aguirre
Inilathala ng Adarna House
(MUSIC)
"Narito na ako!" sigaw ni Ling-ling.
Bumulusok ang batang hangin mula sa kalangitan.
Umingit ang mga sanga ng punong matitikas.
Kumapit nang mahigpit ang mga dahon sa sanga.
"Iyan lang ba ang kaya mo?
Wala ka palang sinabi sa galing ko!" ismid ni Paros.
Pakaliwa't pakanan, sinalpok niya ang mga puno.
Pinangatog niya ang kawayan.
Winasak ni Paros ang mga sapot ng gagamba at tinabig ang mga pugad!
Sumimangot si Ling-ling.
"Lagi ka na lang nananalo, Paros. Ano ba ang sekreto mo?"
"Aba! Laking-lungsod yata ito.
Araw-araw akong nakikipaghabulan sa matutuling bus.
Nakikipagkarera ako sa mga tren.
Sinisipa ko ang mga kawad ng koryente at hinahampas ang mga poste!"
"Gusto ko ring maging mabilis at malakas na hangin tulad mo.
Sana puwede akong sumama sa 'yo sa lungsod."
Pero alam ni Ling-ling na di siya papayagan ng kaniyang ina.
"Huwag ka nang magpaalam. Sumama ka na sa 'kin.
Tiyak na lalakas at tutulin ka sa lungsod!"
"Pero... baka naman..."
"Sumama ka na.
Paano ka lalakas dito kung laging halaman, lupa, at hayop lamang ang mga kalaban mo?" pang-iinis ni Paros.
"Oo nga ano...kaya Lang... "
"Hindi ka ba nababagot dito?
Kung sasama ka, makikita mo ang malalapad na lansangan na dumaraan sa ilalim ng lupa.
Mawiwili ka sa makukulay na ilaw sa mga pamilihan."
"O sige, sige, sasama na 'ko! "
Sinalubong sina Ling-ling at Paros ng mga tunog sa lungsod.
"Ha? Ano'ng sinabi mo? Hindi kita narinig," hiyaw ni Ling-ling kay Paros.
"Ang sabi ko, talasan mo ang mga mata mo.
Makapal ang usok dito."
"Hayan na ang matatayog na gusali.
Isa-dalawa-tatlo...sipa sa bakal, hambalos sa semento!"
Napaso si Ling-ling sa bakal na nakabilad sa araw.
"Nakikita mo ba ang mga bintanang yari sa salamin?
'Yan ang ating lilingkisin.
Mabilis tayong daraan pero maingat pa rin," paalala ni Paros.
"Isa-dalawa-tatlo!"
Nadulas ang mga langgam na naglalakad sa salamin.
Nagulat ang mga mayang nagpapahinga sa pasamano.
Tinitigan ni Ling-ling ang mga mayang nagmamadaling lumayo.
Naalala niya sina Kalaw, Kuwago, at Agila.
Masayang-masaya si Ling-ling kapag naglalaro sila sa kagubatan.
"Halika na, makipagkarera na tayo sa mga tren.
lyon ang paborito ko," wika ni Paros.
Naalala ni Ling-ling ang mga daga at labuyo sa Makiling.
Matutulin din silang tumakbo.
Tila tren din na umuusad ang maliliksing tuko.
"Ano'ng problema? Pagod ka na ba?" tanong ni Paros nang hindi pa kumikilos si Ling-Ling.
"Ah, e, hindi naman. Hindi pa lang ako sanay sa usok at tunog ng lungsod."
Napansin ni Paros ang matamlay na tinig ni Ling-ling.
Nangungulila kaya siya?
Sa di kalayuan, nakita ni Ling-ling ang mga bata sa malawak na palaruan.
Nanumbalik ang kaniyang sigla.
Binatak niya ang kaniyang katawan.
Nabigyan ng ginhawa ang pawisang katawan ng mga bata.
"Wooohooo! Narito na ang hangin!
Puwede na tayong magpalipad ng saranggola!" biro ng mga bata sa isa't isa.
Nakinig si Ling-ling sa kanilang tawanan at kuwentuhan,
tulad ng madalas niyang ginagawa sa mga tao sa Makiling.
"Oy, kayong mga bata, umuwi na kayo.
Kanina pa malakas at malamig ang hangin.
Baka umulan nang malakas." Paalala ng guwardiya sa palaruan.
"Ulan? Ulan! ULAN!
Tama, ulan nga!
Kaya pala pinagbabawalan ako ng matatanda!,"
bulalas ni Ling-ling na tila may naalala at biglang natuklasan.
Agad niyang hinanap si Paros.
"Paros, sabi ng mga taga-Makiling, matagal na nilang hinihintay ang pagdating ng ulan ngayong taon.
Ulan ang nagbibigay ng tubig sa mga daluyan sa bundok.
Sabi nila, hangin ang nagdadala ng ulan."
"O tapos...ano ngayon sa iyo kung ganoon?" tanong ni Paros.
"Paros, hindi mabubuhay ang mga taga-Makiling kung walang tubig.
Kailangan nang umulan sa amin, at ako ang hangin na hinihintay nila.
Ako ang magdadala ng ulan.
Kaya pala hindi ako pinapayagang umalis sa kabundukan."
"Kailangan ka na ngang bumalik sa Makiling," wika ni Paros.
"Kung bibilisan mo ang pag-uwi, hindi nila malalaman na nawala ka nang maghapon," biro pa ng kaibigan.
Nagpasalamat si Ling-ling kay Paros.
"Sabi ni Ina, hindi lamang sa bilis at lakas nasusukat ang kapangyarihan.
Alam kong masaya ka rito sa lungsod, pero masaya rin ako sa Makiling.
Marami akong kaibigan doon. Kailangan nila ako."
Nakauwi na ang mga bata at matanda sa mga tahanang nakapaligid sa bundok.
Naginhawaan ang lahat dahil sa hanging malamyos na bumalot sa kanila.
Kumalat ang amoy ng iginigisang bawang at sibuyas.
Kay sarap ng amoy ng kanin na nag-iinin at ipinipritong isda.
Umikot si Ling-ling sa buong bundok Makiling.
Napangiti siya sa malawak na himpapawid at kaniyang sinabi, "Dito na muna ang tahanan ko."
Sumipol siya nang …..
hanggang malatagan ng hamog ang buong kabundukan.