FILIPINO BOOK: NIÑA INOCENTE with TAGALOG SUBTITLES
Niña Inocente
Kuwento ni Augie Rivera
Guhit ni Juno Abreu
Paalala Lang Po:
Ang kuwentong ito ay rekomendadong basahin ng batang edad 8 at pataas nang may patnubay ng magulang, guro at tagapag-alaga.
Maghapong laman ng computer shop ang walong taong gulang na si Niña. Gustong-gusto kasi niyang maglaro ng 'RPG' or role-playing games.
Tuwing naglalaro siya, pakiramdam niya'y nakapupunta siya sa pambihirang mga mundo...humaharap sa iba't-ibang mga kalaban....at puwede siyang maging kahit na ano at sino!
Isang araw, habang naglalaro ng computer game, napalingon si Niña sa manyikang dala ng batang katabi niya.
Hahawakan niya sana ang manyika, pero bigla itong hinablot palayo ng bata, sabay tayo at labas ng computer shop.
"Gusto mo'yung manyika, ano?" tanong ng may-ari ng computer shop na si Ate Guapa.
"Opo, kaya lang wala akong pera."
"May bago akong 'game' sa itaas. Parang 'RPG' lang, pero 'live'character. Gagawin mo lang lahat ng 'utos' sa 'yo. Tapos....pak! May premyo ka! Bongga!
"Anong premyo?"
"EEh, di pera!"
"Pag meron akong pera, puwede na kong bumili ng manyika!" naisip ni Niña.
"O, ano? 'G' ka na? Game? Tara sa itaas!"
Malamlam ang ilaw sa kuwarto sa itaas. Malamig ang buga ng hangin mula sa aircon. Natanaw ni Niña ang isang computer na may camera.
Nasabik siyang maglaro ng bagong 'game'. Pero, nagulat siya sa unang 'utos'.
"O, hubarin mo na ang damit mo," sabi ni Ate Guapa.
"Bakit po?"
"Ganoon talaga....sa simula, wala ka pang costume at powers. Parang RPG lang...sige, go!"
Sa isang iglap, tila napunta sa kakaibang mundo si Niña.Pero naguguluhan siya. Kung isa siyang mandirigma...bakit wala siyang suot na bakal.
Walang makapal na kalasag, o matalas na sandata? At nang lumitaw ang 'kalaban', lalo pa siyang nagtaka.
Hindi ito galit, imbes na nanlilisik ang mga mata o umuusok ang ilong...ito ay...nakangiti?
Kumurap si Niña, at biglang nasa kuwarto na uli siya - kaharap sa computer screen ang mukha ng isang matandang lalaking may puting buhok at balat, nakangiti, at tila may sinasabi sa camera.
"O, sayaw daw!" sabi ni Ate Guapa, na may suot na earphones at kausap pala ang matandang lalaki.
"Po?"
"Sayaw na! Ganito lang, o!"
May pinindot sa cellphone niya si ATe Guapa at tumugtog ang isang pamilyar na kanta - na paboritong sayawan ni Niña!
"Sasayaw lang...may 'premyo' pang pera! Ang dali lang, di ba?"
Kahit nagdadalawang isip, tila nahalina si Niña sa sumunod na inuutos sa kaniya.
Tumanggap si Niña ng 300 pesos na 'premyo' mula kay Ate Guapa.
Kaya noong gabing 'yon, masaya siya at may pasalubong siya kay Lolo Teban na siyang nag-aalaga sa kaniya mula nang maulila siya.
"Teka, inutang mo na naman ba ang pambili nitong pansit?"
"Hindi po, 'lo,premyo ko po...doon sa 'computer game,' pagbibida ni Niña.
Kinabukasan, sumali uli si Niña sa 'game' ni Ate Guapa, pero lalo siyang nalito dahil may kasabay siyang isang batang lalaki na walang damit.
"O, hawakan mo siya."
"Ayoko po 'te...n-nakakahiya."
"Wag kang mag-inarte diyan!" biglang nag-iba ang boses ni Ate Guapa. "Hindi kita bibigyan ng premyo mo! Dali na!"
Mas malaki ang inabot na 'premyo' ni Ate Guapa, dahil nakabili na si Niña ng manyikang inaasam niya.
"Aba! Bago 'yan ah! Saan galing 'yan!"
"Premyo ko po,'lo. Sa computer game."
Kumunot ang noo ni Lolo Teban nang mapansin ang kakaibang ginagawa ng apo niya.
"Ba't mo hinuhubaran 'yang manyika? Papalitan mo ba ng damit?"
"Hindi po...maglalaro kami."
"Eh ba't nakahubad?"
"Ginagaya ko lang po 'yung laro namin kina Ate Guapa."
"A-ano bang laro 'yun?"
Nagsikip ang dibdib ni Lolo Teban nang marinig ang inosente at dire-diretsong kuwento ni Niña tungkol sa mga ginagawa niya sa computer shop.
Hindi siya makapaniwalang hindi pala laro kundi karumal-dumal na pang-aabuso na ang ginagawa sa apo niya!
Dali-daling nagpunta sa barangay si Lolo Teban at humingi ng tulong kay Kapitanang Neneng, na agad namang dumulog sa mga social worker at pulisya.
Nagpulong ang grupo at nagplano ng isang raid.
Nang sumugod ang grupo sa computer shop,nadatnan nila ang ilang mga batang nakahubad sa harap ng camera.
Nang inspeksyunin nila ang mga computer, nadiskubre nila ang mga laman nitong malalaswang video at larawan ng mga bata.
"'Lo, bakit po nila hinuli si Ate Guapa? Kawawa naman..."
"Dahil masama ang ginawa niyang pang-aabuso sa 'yo...pati sa iba pang mga inosenteng bata."
"Dapat po ba...'di ko na lang ikinuwento sa inyo?"
"Wala kang kasalanan. Tandaan mo: kapag nangyari uli ang ganoon' wag kang matakot na magsabi sa akin. Nandito lang ang Lolo mo."
Sa tulong ng isang NGO, nabigyan ng therapy sessions si Niña at iba pang mga batang naging biktima.
Matutulungan daw sila nitong malampasan ang matinding karanasan ng pang-aabuso at pananamantala na sinapit nila.
Sampung taon ang lumipas. Kahit pumanaw na si Lolo Teban,ang pagmamahal at mga pangaral niya ay nagbigay ng lakas at bagong pag-asa kay Niña.
Ngayon, naglilibot si Niña sa iba't-ibang eskuwelahan at komunidad para magturo sa mga bata na pangalagaan ang kanilang katawan, magkaroon ng tiwala sa sarili, at maging ligtas sa anomang uri ng pang-aabuso.
Ang tanging pangarap ni Niña ay hindi na maranasan ng ibang bata ang mga pinagdaanan niya.