MOMMY IS SUPERWOMAN | CHILDREN'S BOOK IN TAGALOG WITH ENGLISH/TAGALOG SUBTITLES
Superwoman si Inay
Kuwento ni Segundo Matias, Jr.
Guhit ni Ghani Madueno
"Magaling yata si Inay!"
lyan ang lagi kong ibinibida sa aking mga kalaro.
Lagi akong kasa-kasama ni Inay tuwing hapon.
Naglalakad siya sa buong baryo habang kipkip niya ako sa isang braso.
Isang malaking bayong naman ang bitbit niya sa isang kamay.
Kilala si Inay ng mga taga-sa amin.
"Doris!" laging tawag sa kanya ng mga suki niya.
Kilala ang Inay ko dahil marunong siyang mag-manicure at pedicure.
Pero hindi lang naman doon siya kilala—
dahil sa malaking bayong na dala-dala niya, sarisaring damit
at minsan naman ay mga sapatos ang naroon para itinda niya.
Pahulugan kung magtinda si Inay kaya lagi siyang may dalang makapal na notebook
at doon inililista ang mga napagbilhan niya.
Kaya laging maraming pera si Inay dahil hindi siya napapagod sa pagtitinda.
Ang galing-galing talaga ni Inay!
Pero hindi iyon ang ipinagtataka ko kay Inay.
Tuwing may kailangan kami ng aking kapatid, kapag tinatawag namin siya,
bakit kayang-kaya niyang ibigay ang aming mga hinihingi?
Katulad na lang nang minsang mag-brownout ang buong bayan ng San Gabriel.
Napakadilim at wala pa si Itay.
Takot na takot kami at sumisigaw kami ng "Ilaw!
Ilaw!"
Mayamaya, hindi namin namalayan, may dala na siyang kandila!
Saan niya nakuha iyon?
Samantalang saglit lang nawala si Inay.
Ang galing-galing talaga ni Inay!
Noong nagkasakit ako, nakatulog ako sa sobrang taas ng aking lagnat.
Parang rapido na itinakbo ako ni Inay sa ospital.
Ang dinig ko na sinabi ng doktor, mabuti na lang daw, nadala kaagad ako sa ospital
at naagapan, kung hindi'y baka may masamang nangyari sa akin.
Ay, superwoman yata si Inay!
Lumilipad din kaya siya?
Ang galing-galing talaga ni Inay!
Minsan naman, nangailangan si Ate Jenny ng kabibe para sa isang project niya sa paaralan.
Umiiyak na ang kapatid ko dahil
baka raw mapagalitan siya ng teacher niya kapag wala siyang makitang kabibe.
Paano makakahanap ng kabibe ang ate ko, wala namang dagat sa amin?
Dagling kinuha ni Inay ang kanyang payong at lumabas ng bahay.
Maghahanap daw siya ng kabibe.
May pakpak nga ba siya at nakalilipad para makarating sa dagat?
Ang galing-galing talaga ni Inay!
Napansin ko, kahit ano ang project ng kapatid ko,
kapag hindi siya makakita ng mga kailangan niyang gamit,
si Inay palagi ang nakahahanap.
Kagaya ng balat ng itlog, ng mga larawan ng mga hayop, prutas, at kung anu-ano pa na
ipinahahanap ng kanyang teacher para daw sa mga album.
Ang galing-galing talaga ni Inay!
Hindi lang iyon.
Paggising pa lang ni may sa umaga,
magluluto na siya ng almusal para sa amin,
magpapakain ng mga manok at bibe sa bakuran,
magsisiga ng mga basura at mga tuyong dahon sa likod-bahay...
Maglalaba si Inay, mamamalantsa, maglilinis ng bahay...
Magluluto si Inay ng pananghalian at hapunan, magma-manicure, magpe-pedicure,
at magtitinda pa ng mga damit at sapatos.
Parang hindi napapagod si Inay.
Ang galing-galing talaga ni inay!
Minsan ay nasira ang ipinapasadang jeep ni Itay.
"Doris, kukulangin tayo ng pera.
Baka walang baon si Jenny nang isang linggo
at wala tayong ipambayad sa kuryente
dahil nasira at nasa talyer ang jeep," sabi ni Itay.
"Ako'ng bahala," sagot ni Inay.
Nakita kong namitas ng mga saging at gulay si Inay
sa likod-bahay at isinakay ang mga iyon sa tricycle kasama ang napakatabang baboy namin.
Aba! Tama nga si Inay.
Nakabayad kami ng kuryente
at may baon na si Ate para sa buong linggo!
Ang dinig ko'y ipinagbili ni Inay sa bayan ang mga isinakay niya sa tricycle.
Ang galing-galing talaga ni Inay!
Pero bakit ganoon?
Isang araw, biglang tumamlay ang aking inay.
Hindi raw siya makabangon.
Hindi siya pinagtrabaho ng aking Itay.
Si Itay ang gumagawa sa mga gawaing-bahay at ang inay ko naman ay palaging nakahiga.
May sakit ba ang inay ko?
"Wala akong sakit, anak," sagot niya sa akin.
"Malapit ka nang masundan..."
Masundan?
Malapit na raw akong magkaroon ng isa pang kapatid.
Nagdaan ang ilang araw, unti-unting lumalaki ang tiyan ni Inay.
Namangha ako sa sinabi sa akin ni Inay.
"Narito sa loob ng tiyan ko ang bunsong kapatid mo.
Ano mang oras ay lalabas na siya sa akin."
Ang aking kapatid?
Nasa loob ng tiyan ni Inay?
At lumalaki raw sa loob ng kanyang tiyan ang aking kapatid?
At lalabas daw siya roon balang-araw.
Kaya lalaki nang lalaki rin ang tiyan ng aking inay.
Ang sabi niya, ganoon din daw kami ni Ate, galing kami sa kanyang tiyan!
Ang galing-galing talaga ni Inay!
Dumating ang araw nang isilang ni Inay si bunso.
"Gabriel!" "Gabriel" ang sabi kong
ipapangalan sa kanya, isinunod ko sa pangalan ng patron namin.
Hinaplos ko ang mukha ni Gabriel.
Ang cute-cute ng mga mata niya, napakabango niya at ang pula ng mga labi niya.
Ang kinis-kinis ng kanyang balat at napakatangos ng kanyang ilong.
Lagi niya akong nginingitian.
Nagmana raw siya sa akin, sabi ni Inay.
Gaya ko raw at ni Ate ay isa rin itong anghel.
Ang galing-galing talaga ni lnay!