FILIPINO BOOK: AHA! MAY ALLERGY KA PALA! (YOU HAVE AN ALLERGY!) w/ TAGALOG SUBTITLES (2)
"Ay, bad po pala ang histamine?" agaw ni KC.
"Hindi naman. Kakampi nga ng ating katawan ang histamine sa paglaban sa impeksyon. Kaso, dahil sa maling impormasyon na nasagap nila - na kesyo napasok sila ng kaaway - nagre-react nang matindi ang mga ito at sumosobra ang dami ng napupundar na histamine."
"Delikado po ba pag maraming lumabas na histamine?"
"May masasamang epekto ang paglabas ng histamine sa ating katawan. Isa na dito lahat ng maliliit na ugat ay pinalolobo nito.
Kaya mapulang-mapula ang balat ng taong may allergy. Namamaga rin siya. Namamantal. Nangangati. Nagluluha ang mata. Nagkakaron ng malabnaw na sipon.
"A, kaya po pala ang pula-pula ko nang makakain ako ng hipon!" sabi ni Julia.
"Kaya po pala nagluluha ang aking mata noong makalanghap ako ng alikabok," sabi naman ni Kuya Joshua.
"Kaya po pala namantal at namaga ang buong katawan ko!" si Tricia.
"Kaya po pala tulo ng tulo ang sipon ko paggising ko kanina ," sabi ni KC.
"Ganun nga. Ang gagaling n'yo, ah. Pero may isa pang mas masamang epekto ang paglabas ng maraming histamine sa katawan. Ito kasi ay nagdudulot ng pagkitid o pagsasara ng mga daluyan ng hangin sa baga."
"A, kaya pala ako nahirapang huminga nang makagat ako ng putakti!" ang sabi ni Patrick.
"Oo. At kung tuluyang sumara ang daanan ng hangin mo noon, puwedeng mauwi ito sa kamatayan. Anaphylactic Shock ang tawag dito."
"Ha! Puwede akong mamatay dahil sa allergy lang?" gulat na sabi ni Patrick.
"Oo! Hindi biro-birong bagay ang magka-allergy! paliwanang ni Tita Leah.
"A-na-pi-lak-tik shak?" bulong ni Julia sa sarili.
"Mabuti po pala at naagapan akong dalhin sa doktor ni Mommy para main-jectionan agad! E, pero bakit po si Lolo BAyani hindi nagka-allergy sa kagat ng putakti? pangungulit pa ni Patrick.
Maaring mas maayos ang takbo ng kanyang Immune System kaysa sa 'yo!"
Sa narinig ay agad tumayo si Lolo Bayani at nagmamalaking ipinakita ang malalaki niyang masel sa braso. "O, e, sino bang matanda rito, ha?
Malakas na tawanan ang sumunod.
Naubos na ang ice cream pero hindi pa rin matapos-tapos ang kuwentuhan. Isa-isang binigyan ng bagong ihaw na barbercue ang lahat ng nasa dulang. Pabiro namang nag-tanong si Tito Bong. "O, sino ang allergic sa berbecue at ako na lang ang kakain ng share niya?"
"Aba, naku, wala yatang taong allergic sa ice cream at barbecue!" kumumpas pa ang kamay ni Lola Ada nang magsalita.
"Ano kung gayon ang pangontra sa allergy?" tanong ni Tita Leah sa mga bata.
"E, di dapat po ay pigilan ang pagdami ng histamine!" mungkahi ni KC.
"Tama!" At dinampot ni Tita Leah ang isang banig ng tableta. Sinenyasan niya si KC na basahin ang nakasulat sa kulay pilak na sisidlan ng gamot.
"An-ti His-ta-min. Anti-Histamine? Kontra sa histamine?
"Korek! Ang tawag sa gamot na pangontra sa allergy ay ...anti-histamine!," Natutuwang sagot ni Tita Leah.
"Naku ang gagaling talaga ng mga apo ko," Nasisiyahang tugon ni Lolo Bayani.
"O, tandaan n'yo ha, sa susunod na magbibiyahe tayo o mag-a-outing, huwag kalilimutang dalhin ang maliit na tabletang ito," singit pa ni Tito Bong.
Matapos maglaro ng badminton sa beach, humirit pa ng tanong si Kuya Joshua kay Tita Leah. "Yun po bang alikabok may protein din?"
"Alam mo, kapag sinilip natin sa microscope ang mga alikabok, magugulat ka kasi makakakita ka ng maliliit na insektong gumagalaw. Dust mite ang tawag dun. Kapag nalanghap mo ito, ' yun ang may taglay na protein."
"Ha?! May lamang mga organismo din pala ang mga alikabok!" hindi makapaniwalang sabi ni Lola Ada habang pinapag-pag ang suot niyang daster.
"Sa taong hindi allergic sa alikabok, walang kaso kung malanghap man nila ito. Pero ibang usapan na kung allergic sa alikabok ang taong nakalanghap nito!"
"Dapat po pala ay umiwas kami kung saan kami allergic!" sabi ni Joshua.
"Oo nga po, para hindi na ulit malito ang aming Immune System!"
"At paano kung hindi makaiwas?" paniniyak ni Tita Leah.
"Dapat po'y may baon kaming gamot laban sa histamine!" At sabay sabay na nagtawanan ang magpipinsan.
Bago tuluyang naghiwa-hiwalay ang magpipinsan ay pinangalanan pa nila ang kanilang grupo: "D Allergic Company!"
Nasa van na ang lahat nang mag-spray ng pabango sa sarili si Tita Mavee. Di nagtagal ay biglang nakarinig sila ng sunud-sunod na pagbahing sa dakong likuran ng sasakyan.
Sino kaya yun?
"Naku, Lola Ada huwag n'yong sabihing may allergy po kayo sa perfume?" gulat na tanong ng mga apo.
Puro tango na lamang ang naisagot ni Lola Ada habag inaapuhap ang isang kahon ng tissue paper upang punasan ang tumutulo niyang sipon.