DAVID AND HIS NEW CLASSMATE | CHILDREN'S BOOK IN TAGALOG WITH ENGLISH/TAGALOG SUBTITLES (2)
"May pag-uusapan lang muna kami ni Aling Miding.
Huwag lang kayong pumunta sa malayo."
"Opo, Mommy." Inubos ni David ang kanyang sopdrink at lumabas muli kasama ni Rey.
Minasdan ni David ang mga batang masayang naglalaro sa paligid niya.
Tumingin siya kay Rey at ngumiti.
Tuminging pabalik si Rey sa kanya at nag-aalinlangang nagtanong,
"Urm .. . gusto mo bang makipaglaro sa amin?" Bumungisngis si David.
Nakipaglaro sina Rey at David sa mga batang may mga kotse-kotsehang karton.
Nagtatawanan at nagtitilian silang lahat habang naghahabulan sa mga iskinita.
At tinuruan din ng mga bata si David kung paano maglaro ng holen,
sa pagtudla gamit ang mga daliri at pagpagulong nito sa lupa.
Tuwang-tuwa si David sa pakikipag-laro na hindi niya
napansin na nasa likod na pala niya ang kanyang
Mommy, nang naramdaman niyang tapikin nito ang balikat niya.
"Anak, sorry pero kailangan na nating umuwi." Ngumiti ito.
"Opo, Mommy." Tumingala si David, nagpunas ng pawis sa noo, at tumango.
Nagpaalam siya kay Rey at sa mga bago niyang kaibigan, at sumunod sa kanyang Mommy sa kotse.
Naiinitan, pinapawisan, at nanlilimahid na siya—ngunit masayang-masaya.
"Mommy, pwede ba akong bumalik dito para makipaglaro uli kay Rey?"
"Oo naman!" sagot ng Mommy niya.
"Natutuwa nga ako na naging masaya ka ngayong hapon.
Di kasi ako sigurado kanina kung magiging masaya kayo ni Rey.
Parang hindi siya natutuwang makita ka kanina."
"Opo, pero mukhang masaya na rin siya ngayon!"
"Sa palagay ko kaya nahihiya si Rey ay dahil mahirap lang ang pamilya nila.
Baka hindi siya sigurado kung matatanggap mo siyang kaibigan dahil nga mahirap lang siya."
Naalala ni David na pinagtatawanan nina Jun-Jun
at ng iba pa nilang kaklase si Rey, at hindi siya sinasali sa mga laro.
"Pero gusto ko siyang maging kaibigan kahit ayaw ng ibang mga bata sa iskul!"
sabi ni David.
"Sa palagay ko, alam na rin iyan ni Rey."
Hinalikan siya ng Mommy niya sa noo.
"Ipinagmamalaki kita, anak."
"Po? Bakit?" Nagulat si David pero natuwa rin na marinig ito.
Dahil ang tingin mo kay Rey ay isang batang pwede mong maging kaibigan,
mayaman o mahirap man siya.
Sana lagi kang ganyan, hanggang sa paglaki mo."
Ginulo-gulo nito ang buhok ni David habang naglalakad sila papunta sa kotse.
Pagdating ng Lunes, dali-daling naupo si David sa tabi ni Rey,
sabay bulong, "May sorpresa akong ipapakita sa 'yo mamaya!"
At totoo nga, nang mag-recess, pagkalabas nila ng klase,
bumulalas si David, "Tignan mo itong binili para sa 'kin ni Mommy kahapon!"
At pinakita niya ang kanyang kamay na puno ng mga makikislap at makukulay na holen!
"Wow!" nagningning ang mga mata ni Rey.
"David!" Napalingon sila at nakita si Jun-Jun na papalapit sa kanila.
Sumimangot ito kay Rey at tumingin kay David. "Maglalaro tayo ngayon, di ba?"
Halika, Jun-Jun!" bulalas ni David.
"Laro tayo ng holen! Bagong laro!"
At tuwang-tuwa niyang ipinakita kay Jun-Jun ang hawak niyang mga holen.
"Uh, bagong laro?" Na-eenganyo sa kislap ng mga holen ang mga mata niJun-Jun,
pero napapatingin din siya sa ibang mga bata na naghihintay sa kanya sa playground.
"Oo! Tinuruan ako ni Rey na maglaro ng holen! Ang galing!"
Sa tuwa halos humihiyaw na si David. "Halika, ipapa-kita namin sa 'yo!
Rey, tara, ipakita natin kay Jun-Jun!"
Hinila ni David si Jun-Jun papunta sa isang kapirasong lugar na may lupa sa may labas ng kantin.
Nanlalaki ang mga mata at ang ngiti ni Jun-Jun habang tinuturuan siya ni Rey kung paano maglaro ng holen.
Nakalimutan na niyang hinihintay siya ng ibang mga bata sa playground.
Nagtataka na sila kung anong ginagawa nina Jun-Jun,
David, at Rey na nakaumpok sa labas ng kantin.
Narinig pa nilang tumawa at humiyaw nang malakas si Jun-Jun!
"Hmmm . . . Uh, punta lang muna ako roon para tignan kung anong nangyayari,"
sabi ng isang bata, na kunwari'y hindi interesado sa nangyayari.
"Sama ako!" sabi pa ng isa at patakbong sumunod dito.
Maya-maya, nagsisunuran na rin ang iba.
Mula sa bintana ng silid-aralan, sumilip ang titser
at napangiti nang makita ang umpukan ng mga batang naglalaro
at nagtatawanan sa labas ng kantin.
At si Rey ang pinakamalakas na tumawa sa kanila.