FILIPINO BOOK: MAHABANG-MAHABANG-MAHABA WITH ENGLISH AND TAGALOG SUBTITLES
Mahabang, Mahabang, Mahaba
Kuwento ni Genaro Gojo Cruz
Guhit ni Ghani Bautista Madueno
Inilathala ng Adarna House
(MUSIC)
MAHABANG-MAHABANG-MAHABA ang pangalan ko: Gatpuno Ping Emilio Juanito Santiago R. Lakanilaw.
Kapag isinusulat ko na ito, talagang napapagod ako.
Para akong tumatakbo sa paikot na daang bigla na lang mapuputol at liliko.
Kaya siguro tuwing natatapos ako, nahihilo ako nang parang nabangga ang ulo ko sa pader.
Lagi tuloy akong naiiwan sa klasrum kapag recess.
Sabi kasi ni Teacher, di raw puwede mag-recess kapag di pa tapos isulat ang buong pangalan.
Kapag naman natapos ko nang isulat ang buong pangalan ko, tapos na ring kumain ang mga kaklase ko.
Naglalaro na sila. Ako, kumakain pa rin.
Kahit pag uwian, huli akong lumabas ng klasrum.
Buti na lang sinasamahan ako ni Teacher.
Bakit nga ba kay haba-haba ng pangalan ko?
Kulang na kulang ang haba ng isang linya ng papel para maisulat ang buong pangalan ko.
Kahit nga umabot pa ako sa likod ng papel ko, hindi pa rin kasya.
Minsan, sinubukan kong gawing maliit na maliit ang sulat ko para lang mag-kasya.
Napagalitan naman ako ni Teacher. Hindi na raw kasi niya mabasa.
Di sana ako parang umaakyat sa mataas na flagpole ng aming paaralan.
Di sana sumasakit at pinagpapawisan ang aking mga kamay.
At di sana parang inilubog sa tubig ang aking papel.
Sana may lapis na nagsusulat mag-isa.
Ibubulong ko lang ang aking pangalan, tapos isusulat na ng madyik lapis.
Di sana sumasakit at pinagpapawisan ang aking mga kamay.
At di sana parang inilubog sa tubig ang aking papel.
"Teacher, puwede po bang 'yung isang pangalan ko na lang ang isulat ko?" tanong ko kay Teacher.
"Aba! 'Gatpuno Ping Emilio Juanito Santiago R. Lakanilaw' ang tunay mong pangalan kaya ito ang dapat mong isulat.
Ang 'EJ' ay palayaw mo lamang," sagot ni Teacher.
Sana talaga may lapis na nagsusulat mag-isa.
Isang araw, may bagong laruang dala si James, pulang kotse!
Naku, ang ganda-ganda talaga ng kotse niya.
Bagong-bago. Regalo sa kaniya ng tatay niya.
"EJ, laro tayo ng kotse ko mamayang recess, ha." Yaya sa 'kin ni James.
"Oo ba!" sabi ko naman, habang binibilisan sagutin 'yung ipinagagawa sa 'min sa Math.
Eksaktong nag-ring ang bell pang-recess nang ipinasa ko ang papel ko.
Maglalaro na kami ni James ng kotse!
"EJ, bakit palayaw mo lang ang isinulat mo rito sa papel mo?" sabi ni Teacher nang makita ang papel ko.
"Kailangang isulat mo ang buong pangalan mo."
Para akong tumatakbo sa paikot na daang bigla na lang mapuputol at liliko.
Kinuha ko ang papel ko at sinimulan ang mahaba kong pangalan.
Nasa 'Emilio' pa lang ako ay naririnig ko na ang tawanan nina James at ng iba kong kaklase.
Pinaglalaruan na nila ang bago niyang kotse.
Pagdating ko sa bahay, ipasusulat na naman ni Nanay ang pangalan ko.
Di ko tuloy malasahang mabuti ang kaniyang inihandang meryenda,
At di ko rin mapanood ang paborito kong kartun.
"O, sige nga, EJ, isulat mo ang iyong buong pangalan nang walang kopyahan.
Tingnan ko nga kung kabisado mo na," aya sa akin ni Nanay.
Pero aalalayan ni Nanay ang aking kamay.
Buti pa si Ate, nagsusuklay na lang ng buhok ng manyika niya.
"Hayaan mo EJ, matututuhan mo ring isulat nang maayos at mabilis ang iyong pangalan.
Basta lagi ka lang magsasanay," ang sabi sa akin ni Nanay.
"Nay, bakit ba kasi ang haba-haba ng pangalan ko?
Lagi tuloy akong huli mag-recess!
Lagi rin akong huli kung uwian!
'Yung pangalan nina Jayson, Paul, Christian, Michael, Joan, Gladys, Bianca, at Lara isa lang.
Kaya madaling tandaan at lalong madaling isulat!
'Yung iba naman, pangalan ng mga sikat na artista--Sharon, Robin, Angel, at Judy Ann.
Kung 'EJ' na lang sana ang pangalan ko, mas maikli pa sa kanilang lahat.
Kahit nakapikit pa ako kayang-kaya kong isulat." Wala akong preno sa pagsasalita.
"Aba! Alam mo bang espesyal ang pangalan mo?
Alam mo bang matagal naming pinag-isipan at pinagtalunan ng iyong tatay ang pangalan mo?" sabi ni Nanay.
"Espesyal? Paano po naging espesyal ang pangalan ko?" tanong ko.
"Ang 'Emilio' ay galing sa pangalan namin ng tatay mo.
'Emma' ang pangalan ko at 'Julio' naman ang iyong tatay, kaya naging 'Emilio' ang pangalan mo.
Di ba't maganda?" ang sagot sa akin ni Nanay.
'E, sa'n naman po galing ang 'Juanito'?" ang tanong ko uli kay Nanay.
"Aba! Galing naman sa lolo mo ang 'Juanito'.
Paboritong anak ng iyong Lolo Juan ang tatay mo.
Noong bata pa ang tatay mo, 'Juanito' ang tawag sa kaniya-- ibig sabihin, "maliit o batang Juan", sagot ni Nanay.
"E, bakit po may 'Santiago' pa sa aking pangalan?"
"Galing naman ang "Santiago" sa aking tatay.
Mahusay na kapitan ang aking tatay, kaya nga ipinangalan sa kaniya ang ating kalye.
Kaya nakatira tayo ngayon sa Kalye Kapitan Tiago."
"At s'yrempre ang 'R' ang galing sa 'Ruiz'.
'Wag mong kalilimutang isulat ito dahil ito ang apelyido ko noong dalaga ako," sunod na sinabi ni Nanay.
Napakunot ang aking noo.
"E, sa'n naman po galing 'yung 'Gatpuno' at 'Ping'?"
Napatawa si Nanay. "Alam mo bang ipinaglihi kita sa haluhalo?
Pero tatlo lang ang gustong-gusto kong sahog noong ipinaglihi kita."
"Talaga po, 'Nay?"
"Oo, gustong-gusto ko ang haluhalong maraming gatas, masarap na makapuno, malutong na pinipig, at minatamis na saging.
Nahulaan mo ba kung saan galing ang 'Gatpuno' at 'Ping' sa iyong pangalan?"
"Galing sa 'gatas' at 'makapuno' ang 'Gatpuno', at ang 'Ping' naman ay galing sa 'pinipig' at 'saging'.
Di ba't masarap pakinggan?
Pero noon unang panahon, kapag tinawag na 'gat' ang isang tao, ang ibig sabihin nito, ay isa siyang bayani."
"Ang galing naman 'Nay!"
"Di lamang pala pangalan nina Nanay at Tatay at ng aking dalawang lolo ang nasa aking mahabang-mahabang- mahabang pangalan.
Kundi pati ang matamis na pagmamahalan nina Nanay at Tatay.
Natutuwa ako dahil may mahabang-mahabang-mahaba palang kuwento sa likod ng aking mahabang-mahabang- mahabang pangalan.
Ikaw? Alam mo na rin ba ang kuwento ng iyong pangalan?"