FILIPINO BOOK: ANG SIOPAO NA AYAW SA BATANG MATAKAW | CHILDREN'S BOOK WITH ENGLISH/TAGALOG SUBTITLES
Ang Siopao na Ayaw Sa Batang Matakaw
Kuwento ni Amang Medina
Guhit ni Dominic Agsaway
(MUSIC)
Dito sa bakery ni Aling Bising, maaarte at mayayabang ang mga siopao.
Ayaw nila sa mga batang matakaw.
"Kung ano-ano ang kinakain ng mga batang matatakaw.
Ayaw naming makihalo sa mga pagkaing nasa tiyan nila," katwiran ng isa.
"Lalo na yong mga batang malalaki ang tiyan,
yong mga pulubi sa kalsada!" sang-ayon ng ikalawang siopao.
"Naku, siguradong pulos bulate ang laman ng tiyan ng mga yan!
Sayang ang mga sustansiya natin kung sa mga bulate lang mapupunta!".
"Ang aarte n'yo naman!" nasabi tuloy ng mga ensaymada.
"Nilikha tayo at niluto para kainin ng sinumang tao.
Wala nang pili-pili pa "
Siyangang pagsang-ayon ng mga pan de sal.
"Tayong mga tinapay ay para sa lahat.
Layunin nating busugin ang sinumang kumain sa atin,
at palakasin sila sa mga sustansiyang makukuha nila sa atin, pulubi man o mayaman."
"Tse!" Ismid ng isang siopao.
"Sinasabi n'yo lang yan dahil ang mumura ninyo, puwede kayong bilhin ng kahit na sino."
"Eh, kami? Bongga ang aming presyo!
Hindi lahat ay maaaring makatikim ng taglay naming sarap!"
"Saka para ano pa at nilikha kaming makikinis at mapuputi ang kutis?
Natural, para kainin kami ng mga taong malilinis at mapuputi, tulad ng mayayaman."
Walang nakakaalam kung saan nakukuha ng mga siopao ang ganoong paniniwala.
Tinimpla naman sila nang tama, minasang mabuti ng mga panadero,
at niluto sa oven nang may sapat na init.
Ano ang nangyari at naging mapait ang kanilang pag-uugali?
Hindi tuloy maiwasan ng ibang tinapay na kainisan sila.
"Masyado silang matapobre!" sabi ng mga pudding*.
"Akala mo kung sino sila!" wika naman ng mga monay.
"Ang pagkakaiba lang naman nila sa atin ay may palaman silang karne," sambit ng mga pan de siosa.
"Pero sapat na ba yon para magmalaki sila nang ganyan?" angal ng mga pan de coco.
"Hindi!" sabay-sabay na pagsang-ayon ng mga ito.
Minsan, isang batang nagtitinda ng diyaryo ang napadaan sa bakery.
Hindi ito katabaan, pero halatang matakaw.
Kung makatitig sa mga tinapay, kulang na lang ay dukutin nito ang mga iyon at kainin kaagad.
Inis na inis ang mga siopao sa bata.
"Huwag sana tayong bilhin at kainin ng batang yan," sabi ng isa.
"Hindi tayo nararapat sa tiyan ng batang yan.
"Kadiri!" wika naman ng isa pa.
Pero nang makita ng bata ang mga siopao, mukhang nagustuhan din sila nito.
Nakita pa nilang inilabas nito ang dila na para bang takam na takam itong matikman sila.
Sigawan silang mga siopao.
Halos magtago sila sa likod ng isa't isa.
"Eeek! Ayokong mabili ng batang yan!"
"Eeek, ayaw ko rin!"
"Magsitigil nga kayo!" sabi ng mga pan de sal.
"Huwag kayong mag-alala at nagsabi na ang bata kay Aling Bising na kami ang bibilhin niya."
Napabuntong-hininga ang mga siopao.
"Hay, salamat.
Mabuti na lang at mahal ang ating presyo, si Pan de Sal lang ang kayang bilhin ng batang dukha."
Pero nangako ang bata.
"Kapag nagkapera ako, titikman ko rin kayong mga siopao."
Alalang-alala tuloy ang mga siopao.
"Sana, hindi siya magkapera."
"Wala sanang bumili ng mga diyaryo na itinitinda niya," sabi ng isa pa.
"Sa halip na mangamba kayo nang ganyan, tanggapin n'yo na ang katotohanang kakainin din tayo ng kahit na sino," paliwanag ng mga pan de sal.
"At paano kung magbalik ang batang dukha?
May magagawa ba kayo kung sakaling ang isa sa inyo ay bibilhin niya?" tanong ng mga ensaymada.
Hindi nakasagot ang mga siopao.
Ang totoo ay ayaw nilang dumating ang sandaling iyon.
Pero tuwing umaga ay laging dinadalaw ng batang nagtitinda ng diyaryo ang mga siopao sa bakery.
Bawat araw, bumibili ito ng isang tinapay kay Aling Bising, at pataas nang pataas ang panlasa nito!
Pamahal nang pamahal ang binibili nito!
Bawat tinapay ay nais nitong matikman!
"At hindi malayong tayo ang susunod!" nangangambang wika ng mga siopao.
Hanggang sa dumating nga ang pinakakinatatakutang araw.
Nagbalik sa bakery ang batang nagtitinda ng diyaryo upang tuparin ang isang pangako.
Ang matikman ang maputi at makinis na siopao!
Pinakatitigan pa nito ang mga siopao, pagkatapos ay ngumiti.
Nang makita ng mga siopao ang maruming ngipin ng bata ay nandiri sila.
Naghisterya ang isa sa kanila.
"Ayoko! Ayokong mapunta sa batang yan!
Ilabas n'yo ako rito!"
Pero batid ng mga siopao na wala na silang magagawa.
Buo at sapat na ang dalang pera ng bata.
Iniabot nito iyon kay Aling Bising saka itinuro ang siopao na nagustuhan nito.
Agad na hinango ni Aling Bising mula sa eskaparateng kinalalagyan nilang mga siopao ang naibigan ng bata.
Sigawan silang mga siopao.
Pero walang naririnig si Aling Bising.
Awang-awa ang mga siopao sa kasama nila habang iniaabot ito ni Aling Bising sa maruming kamay ng bata.
"Paalam, Asado!" sabi ng mga siopao sa kasama. "Malas mo lang at ikaw ang naibigan ng batang yan."
Tuwang-tuwa namang pinagmasdan ng bata ang biniling siopao.
Sa wakas ay makakatikim na rin ito ng siopao.
Dahan-dahan pa nitong inamoy iyon.
"Hmm, sarap!" wika nito.
Pigil ang hininga ng ibang mga siopao habang pinapanood nila ang nakatakdang sapitin ng kasamahan nila.
Maging ang ibang mga tinapay ay nanonood din sa pagkain ng bata sa siopao.
Unti-unting inilapit ng bata ang katakam-takam na siopao sa bibig nito.
Isa... Dalawa... Tatlo...
Kakagatin na lamang nito ang malambot na laman nang bigla itong matigilan.
Nagtaka ang mga siopao sa kanilang nasaksihan.
Bakit tumigil ang bata?
Nagbago ba ng isip nito kay Asado?
Maging ang ibang mga tinapay ay nagtaka rin.
Noon nila napansin ang presensiya ng iba pang mga Bata.
Dalawang batang pulubi ang nasa di-kalayuan ng batang nagtitinda ng diyaryo.
Nakatingin ang mga ito habang gutom na gutom.
Noon nagdalawang-isip ang batang nagtitinda ng diyaryo.
Kakainin ba niya ang siopao at hahayaan ang mga batang pulubing nakatingin habang kumakain siya?
O titiisin na lamang niya ang sarili at ipagkakaloob ang siopao sa mga batang mas gutom pa sa kanya?
Isang desisyon iyon na napakahirap gawin!
Laking gulat ng lahat nang makita nilang ibinigay ng batang nagtitinda ng diyaryo ang siopao sa dalawang batang gusgusin.
"Hindi ko maintindihan!" sabi ng isang siopao.
"Akala ko ba ay gustong-gusto tayong tikman ng batang 'yan?
Eh, bakit niya tayo ipinamigay sa iba?"
"Hindi n'yo talaga maiintindihan ang ginawa ng batang 'yan dahil buong buhay ninyo ay wala kayong ibang inisip kundi ang mga sarili n'yo," sabi ng mga pan de sal.
"Ano'ng ibig n'yong sabihin?" Tanong ng mga siopao.
"Ang batang inaayawan ninyo...Ang batang pinandidirihan ninyo...
Ang batang ayaw ninyong kumain sa inyo... ay isang batang mabuti at dakila
dahil marunong siyang mag-bigay sa kapwa,"paliwanag ng mga pan de sal.
"Natutuwa kaming Iahat at kahit paano ay naging bahagi kami ng katawan ng batang yan,"
sabi ng iba pang tinapay na natikman na ng batang nagtitinda ng diyaryo.
"Ang taglay naming sustansiya ay hindi nasayang dahil ang binigyan nito ng lakas ay isang batang maipagmamalaki sa kanyang kabutihan."
Natahimik ang mga siopao.
Napahiya sila sa kadakilaang ipinamalas ng batang kanilang pinandirihan at inayawan.
Kaya nang muling masdan nila ang bata, nakita nilang nakangiti uli ito sa kanila.
"Pagbilhan uli ng isa pang siopao, Aling Bising!" masayang sabi nito.
At lahat silang mga siopao ay nag-unahang makuha ni Aling Bising
upang ibigay sa batang bayani!